MANILA, Philippines — Sumiklab ang sunog sa isang commercial building sa Ermita, Maynila at isang fire volunteer ang nasaktan nang malaglag mula sa ikatlong palapag habang kasagsagan ng pag-apula sa malaking apoy kahapon ng hapon.
Sa ulat ng pulisya, nakilala ang fire volunteer na si Jimmy Casimero, ng Leveriza Malate Fire Volunteers, na nagtamo ng pinsala sa katawan at pinayuhang magpagamot sa ospital upang masuri dulot ng kanyang pagkakabagsak.
Sa ulat ng Bureau of Fire Protection-Manila, dakong alas-3:02 ng hapon nang sumiklab ang sunog sa isang residential/commercial building sa may A. Mabini Street sa Ermita.
Umakyat ito sa ikalawang alarma hanggang sa tuluyang mapatay ang sunog dakong alas-4 na ng hapon. Nabatid na naapektuhan din ng apoy ang tatlong palapag na gusali na dormitoryo ng mga seaman.
Tinangka umanong umakyat ni Casimero sa ikatlong palapag ng gusali gamit ang fire exit na hagdan ng gusali ngunit nadulas siya at bumagsak sa ikalawang palapag. Agad naman siyang sinaklolohan ng mga kasamahan at binigyan ng paunang lunas.
Bukod sa nasabing fire volunteer, wala nang ibang naiulat na nasaktan sa insidente.
Patuloy rin ang imbestigasyon sa sanhi ng sunog.