MANILA, Philippines — Nadakip ng mga awtoridad sa Pampanga ang isang lalaking itinuturing na isa sa mga most wanted person ng Quezon City Police District (QCPD) matapos na barilin ang katransaksyon na sinasabing hindi nagbayad ng ilegal na droga sa Quezon City, nabatid kahapon.
Nakapiit na ang suspek na nakilalang si Jojo Absalon, na ikalima sa Top 10 Most Wanted Person ng QCPD-Talipapa Police Station 3 (PS-3) matapos na maaresto sa isang hotel sa Angeles City, Pampanga.
Batay sa ulat, si Absalon ay subject ng warrant of arrest sa kasong attempted homicide matapos na barilin ang biktimang si Jonathan Liansing Jr. noong Disyembre 2022 sa Barangay Talipapa, Quezon City.
Ayon kay QCPD-PS-3 chief PLTCOL Mark Janis Ballesteros, bago ang pamamaril ay nagtungo ang suspek sa bahay ng biktima para maningil sa utang nito na may kinalaman sa droga.
Gayunman, ayaw umanong magbayad ng biktima, kaya nauwi ito sa kanilang pagbubuno hanggang sa bumunot ng baril ang suspek at nabaril si Liansing sa braso.
Si Liansing ay nakapiit na rin naman matapos mahuli sa drug buy-bust operation noong Enero.
Aminado naman si Absalon na nabaril niya si Liansing ngunit sinabing away lamang nila ito.
Aniya pa, nagtago siya sa Pampanga nang matukoy na may inilabas nang warrant of arrest laban sa kanya ang hukuman.
Nabatid na naisilbi na rin ang isa pang warrant of arrest kay Absalon para sa kasong attempted murder na nangyari naman sa Valenzuela noong Disyembre 2022 rin at sinasabing may kinalaman din umano sa ilegal na droga.