MANILA, Philippines — Isang bago, mas mahusay at mas organisadong Pritil Market na mananatiling pampubliko at patuloy na mag-aalok ng patas na presyo sa mga marketgoers ang itatayo.
Ayon ito kay Manila Mayor Honey Lacuna, matapos ang pagkasunog sa lumang Pritil Market.
Sinabi pa ng alkalde na may kabuuang 491 stall holder sa wet and dry goods ang makikinabang pa rin sa tatawaging “Bagong Pritil Market”.
Ininspeksyon ng alkalde ang natupok na palengke at nakipag-usap na rin sa mga stall owner kung saan tiniyak niya sa mga ito na sa bagong pamilihan na itatayo ay mananatiling pag-aari ng lungsod.
Ikinalungkot ni Lacuna na ang buong palengke ay kailangang gibain para bigyang-daan ang pagtatayo ng bago, dahil hindi na umano maaari ang rehabilitasyon ayon sa mga eksperto, at para hindi makompromiso ang kaligtasan ng marketgoers at manininda.