MANILA, Philippines — Nakatakdang magpatupad ng halos P3 kada litro na pagtaas sa presyo ng gasolina at mahigit P1 na taas sa presyo ng diesel at kerosene ang mga kompanya ng langis sa bansa ngayong Martes.
Ito na ang ikalawang linggo na magpapatupad ng oil price hike ang mga oil companies sa bansa, matapos ang surprise production cuts na ipinatupad ng Organization of the Petroleum Exporting Countries (OPEC) at mga kaalyado nito.
Ayon sa magkahiwalay na abiso ng Pilipinas Shell Petroleum Corp. at Seaoil Philippines Corp., magtataas sila ng presyo kada litro ng gasolina ng P2.60, P1.70 naman sa diesel at P1.90 sa kerosene, habang ang Cleanfuel din ay magtataas ng P2.60 kada litro ng gasoline at P1.70 sa diesel.
Nabatid na magiging epektibo ang price adjustment sa mga naturang petroleum products dakong alas-6:00 ng umaga ng Abril 11 para sa lahat ng oil firms, maliban sa Cleanfuel, na magpapatupad ng adjustment dakong alas-4:01 ng hapon ng Martes.
Noong nakaraang linggo, nagpatupad rin ng taas-presyo sa mga produktong petrolyo kada litro ang mga oil companies, kabilang ang P1.40 sa gasolina, P0.50 sa diesel at kerosene.
Nauna rito, inianunsiyo ng Saudi Arabia at iba pang miyembro at partners ng OPEC na magpapatupad sila ng production cut na 1.16 milyong bariles kada araw, na ang layunin anila ay suportahan ang stability ng merkado.
Ang oil price adjustment sa bansa ay karaniwang iniaanunsiyo sa araw ng Lunes at ipinatutupad naman sa araw ng Martes. — Angie Dela Cruz