Motorsiklo vs van: 1 patay

Nakilala ang nasawi na si Nathan Rey Nulud, 22, binata, empleyado ng gobyerno, at nakatira sa No. 1857 Dapdap St., Sta. Cruz, Maynila.
STAR/File

MANILA, Philippines — Patay ang motorcycle rider makaraang makabungguan niya ang isang van nang magpanagpo at parehong hindi magmenor sa isang interseksyon sa Sampaloc, Maynila kahapon ng madaling araw.

Nakilala ang nasawi na si Nathan Rey Nulud, 22, binata, empleyado ng gobyerno, at nakatira sa No. 1857 Dapdap St., Sta. Cruz, Maynila.

Hawak naman ng mga awtoridad ang tsuper ng Hi-Ace van na si Jess Selosa, 53, nakatira sa Mabuhay Roxas, Oriental Mindoro.

Sa ulat ng Manila District Traffic Enforcement Unit, dakong alas-2:15 ng madaling araw nang maganap ang aksidente sa panulukan ng M. Dela Fuente at P. Florentino St., sa Sampaloc.

Sakay ng kaniyang motorsiklo si Nulud at binabagtas ang M. Dela Fuente St. habang binabagtas naman ng van na minamaneho ni Selosa ang P. Florentino St. nang magkasalubong sila sa interseksyon.

Parehong mabilis ang patakbo ng dalawang behikulo na mga hindi nagmenor dahilan ng salpukan. Dito tumilapon sa motorsiklo si Nulud at nagtamo ng matinding pinsala sa katawan sa pagbagsak sa kalsada. Agad na isinugod ng mga rescuer ang biktima sa Jose Reyes Memorial Medical Center ngunit idineklara na siyang walang buhay pagsapit ng pagamutan.

Nahaharap ngayon sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide and Damage to Property ang suspek sa Manila City Prosecutor’s Office.

Show comments