MANILA, Philippines — Kalaboso ang isang 34-anyos na lalaki makaraang ireklamo ng isang senior high student nang pananakot na ilalabas sa social media ang malalaswang larawan kung hindi muling makikipagkita sa kaniya, sa Las Piñas City, kamakalawa ng tanghali.
Kinilala ni Las Piñas City Police Station commander P/Colonel Jaime Santos ang suspek na si Michael Mangampo, residente ng Molino, Bacoor, Cavite na inireklamo ng 18-anyos na dalaga na residente rin ng Cavite.
Sa ulat, dakong alas- 12:00 ng tanghali nang maaresto ang suspek sa Alabang-Zapote Road, sa Brgy. Almanza Uno, Las Piñas.
Ikinasa ang entrapment operation kung saan muling nakipagkita ang dalaga at natuklasan na may dalang kalibre .45 Armscor ang suspek kaya agad siyang inaresto kaugnay sa illegal possession.
Sa reklamo ng biktima, ayaw na niyang muling makipagkita sa suspek pero nangungulit umano ito at nagbabanta na ilalabas ang kaniyang malaswang larawan.
Napilitang makipagkita muli ang biktima upang maipadakip ang suspek.
Depensa umano ng suspek, may relasyon sila ng biktima subalit itinanggi ng huli na sila ay magkasintahan, bagkus ay aminado na may nangyayari sa kanilang sekswal kahit hindi sila magka-relasyon, ayon kay Col. Santos.
Ipaghaharap ang suspek ng mga reklamong sexual harassment, seduction, cyberlibel at paglabag sa Republic Act 10591 o illegal possession of firearms and ammunitions.