MANILA, Philippines — Inilunsad ng pamilya ng New Zealander na napatay ng dalawang holdaper sa Makati City ang isang fundraising para mapauwi ang labi ng biktima matapos ang insidente na naganap noong Pebrero 19.
Sinabi ni Shaina Murray, sister-in-law ng biktimang si Nicholas Peter Stacey, 34, na naglunsad sila ng Givealittle page na ngayon ay may mahigit $15,000 na para magamit sa pagpapauwi sa biktima at iba pang gagastusin sa proseso.
Pinaslang si Stacey ng dalawang holdaper sa may Filmore Street sa Brgy. Palanan, Makati City noong madaling araw ng Pebrero 19, nang ipagtanggol ng biktima ang kaniyang nobyang Pilipina na si Pamela. Tumakas ang dalawang salarin lulan ng isang motorsiklo.
Ayon kay Shaina, isang deboto sa kanilang Northcross Church si Stacey at isa sa nangunguna na magboluntaryo sa mga aktibidad ng simbahan, partikular sa grupong Child Rescue at Student Volunteer Army na nagawang makapag-deliber ng mga grocery orders noong kasagsagan ng COVID-19 lockdown sa kanilang bansa.
“The loss of such a young, kind-hearted, selfless and loving man, is absolutely devastating,” pahayag ng kanilang pamilya.
Nagbibigay na rin ngayon ng consular assistance ang New Zealand Embassy sa Maynila sa pamilya Stacey.
Samantala, patuloy pa rin naman ang case build-up ng Makati City Police upang madakip ang mga suspek at mapanagot sa kanilang krimen makaraang ipag-utos sa kanila ni National Capital Regional Police Office Director, PMajGen Jonel Estomo.