MANILA, Philippines — Arestado ang isang janitress matapos na magsuot ng nakaw na puting coat at magpanggap na doktora at pagkatapos ay nag-ikot sa Emergency Room (ER) ng isang malaking pagamutan sa Quezon City, kamakalawa.
Ang suspek ay nakilalang si Miriam May Taboco Infante, 37,ng Brgy. Krus na Ligas, Quezon City.
Si Infante ay inaresto bunsod ng reklamo ng mga doktor ng East Avenue Medical Center (EAMC) na sina Jhanella Marie Canoza De Leon, 29; Jezza Anne Melecio Jacinto, 29, at Allyson Sel –Ayen Walsi I-En.
Base sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD)-Kamuning Police Station 10, nabatid na dakong alas- 5:27 ng umaga nang arestuhin ang suspek sa loob ng ER ng EAMC, na matatagpuan sa East Avenue, Brgy. Central, QC.
Sa imbestigasyon ni P/CMS June Abogado, nabatid na kasalukuyang nasa ospital ang isang pulis nang mamataan ang suspek, na kahina-hinala ang kilos habang nag-iikot sa ER.
Napuna umano ng pulis na nakasuot ng puting coat, na may pangalang Dra. Jacinto, kaya’t nagsuspetsa ito na impostor.
Dito na umano nilapitan ng pulis ang suspek at nang hingian ng ID ay nabuking na nagpapanggap lamang ito matapos na magpakita ng ID ng isang Dra. de Leon.
Sa interogasyon ay natuklasang janitress pala ng ospital ang suspek.
Nakumpiska mula sa janitress ang ID ni De Leon, wallet na naglalaman ng P280, UnionBank ATM Card, MAC book Laptop, medicine bag at mga puting coat ng mga complainant.
Ang suspek ay nakapiit na at sasampahan ng kasong tatlong counts ng Theft at dalawang counts ng Usurpation of Authority.