DILG urban farming program, brgy. gardening, suportado ni Vargas

MANILA, Philippines — Sinuportahan ni Quezon City Councilor Alfred Vargas ang programang “Halina’t Magtanim ng Prutas at Gulay (HAPAG) sa Barangay Project” ng Department of Interior and Local Government (DILG).

Ayon kay Vargas, ang nasabing programa ay may malaking tulong para maibsan ang pagtaas ng presyo ng ilang pangunahing bilihin.

 “Malaking suliranin nga­yon ng ilan nating kababayan ang mataas na presyo ng mga produktong pang-agrikultura tulad ng gulay. Sa progra­mang ito, nabibigyan sila ng kakayahang maibsan ito sa pamamagitan ng pagtatanim ng gulay sa kanila mismong mga bakuran at komunidad,” pahayag ni Vargas.

Bilang dating Chairman ng House Committee on Social Services, sinabi ni Vargas na malaki ang maitutulong ng HAPAG Project sa pagtaas ng antas ng buhay ng maraming Pinoy.

Ang HAPAG Project ay humihikayat sa lahat ng barangay na magpatupad ng programang gardening at urban farming sa kanilang nasasakupan sa pagtutulu­ngan ng pribado at pampublikong sektor at tuloy ang bawat tahanan at komunidad ay makapagtanim ng gulay at prutas sa mga bakanteng lupa sa kanilang lugar.

Sa isang panukalang re­solusyon, iminungkahi rin ni Vargas ang pag-aaral sa “Joy of Urban Farming” ni Mayor Joy Belmonte na aniya ay isang “best practice” na maaaring tularan ng ibang lugar.

Pinuri rin ng dating three-term Congressman sina DILG Secretary Benhur Abalos at Undersecretary Chito Valmocina na nagsulong ng programa.

 Ayon kay Vargas, ang pagbibigay ng prayoridad sa food security ay naayon sa Philippine Development Plan 2023-2028 ng admi­nistrasyon.

 “Ang bagong polisiya ng DILG ay naayon sa direksyon ng ating mahal na pangulong Bongbong Marcos na bigyang-tuon ang problema ng kagutuman at ayusin pa ang agricultural productivity ng ating bansa. Kaisa tayo sa Pangulo sa adhikaing ito,” dagdag ni Vargas.

Show comments