DOTr: Paghuhukay ng tunnel sa Metro Manila Subway project, magsisimula na sa December

MANILA, Philippines — Nakatakda nang simulan sa buwan ng Disyembre ang paghuhukay ng tunnel para sa kauna-unahang Metro Manila Subway project sa bansa.

Ayon kay Department of Transportation (DOTr) Undersecretary for Rails Sector Cesar Chavez, base sa umano sa usapan nila sa Tokyo, Japan, sisimulan ang paghuhukay ng tunnel sa Brgy. Ugong, East Valenzuela sa Disyembre 12.

Ang naturang lugar aniya ang magsisilbing subway depot.

Matatandaang kamakailan ay nagtungo sa Tokyo si Chavez upang makilatis ang binili ng pamahalaan na ika-apat sa 25 na tunnel-boring machine para sa proyekto.

Sinabi ni Chavez na mula sa Valenzuela, tatakbo pa ng isa’t kalahating kilometro ang paghuhukay bago maidugtong sa susunod na istasyon nito sa Quirino Highway sa Quezon City.

Batay aniya sa pagtaya ng mga inhinyerong Hapones, maaaring tumagal ng hanggang isang taon ang paghuhukay mula Valenzuela hanggang Quirino Highway.

Nabatid na nasa 17 istasyon ang subway mula Valenzuela hanggang Bicutan.

Daraan din ito sa Terminal 3 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Sa sandaling matapos na ang proyekto, inaasahang mapapaikli nito ang oras ng biyahe ng mula sa Quezon City hanggang sa airport, mula sa dating mahigit isang oras, ay magiging 35 minuto na lamang.

Show comments