MANILA, Philippines — Patay ang isang construction worker, habang 10 iba pa ang sugatan nang gumuho ang scaffolding sa ginagawa nilang housing project kahapon ng umaga sa Quezon City.
Dead-on-arrival sa Quezon City General Hospital ang biktimang si Francis Anzures, 45, ng Brgy. Baesa, ng lungsod dahil sa mga tinamong matinding pinsala sa ulo at katawan.
Sugatan naman ang kanyang mga kasamahan na sina Renato Gallo, 49, foreman; Jerick Medino, 20; Mark Dave Asis, 21; Reynante Mandak, 50; Junrey Acoymo, 38; Jayson Rebalga, 27; Jerald Silvio, 20; Jorie Modesto, 40; Emmil Jay Medino, 25; at Rainwick Gallo, 39.
Batay sa sketchy report ng La Loma Police Station ng Quezon City Police District (QCPD), dakong alas-9:00 ng umaga nang maganap ang insidente sa 32 Sto. Cristo St., sa Brgy. Balingasa, QC.
Pawang abala umano ang mga obrero sa pagtatrabaho nang bigla na lang gumuho ang kanilang itinayong scaffolding at nabagsakan sila na nagresulta sa kanilang pagkasugat.
Kaagad namang naisugod sa pagamutan ang mga biktima ngunit si Anzures ay hindi na umabot pang buhay.
Tiniyak naman ni Elmo San Diego, head ng Quezon City Department of Public Order and Safety, na masusi na nilang iniimbestigahan ang kontraktor ng naturang proyekto.
Tigil din muna aniya ang konstruksiyon sa lugar habang patuloy na iniimbestigahan ang insidente.
“Iimbestigahan muna ‘yon kung ‘yong safety procedures, safety protocols, nasunod nila. Otherwise, pasu-suspend muna natin construction kung hindi nasunod mga regulasyon natin,” ani San Diego.