Pangulong Ferdinand Marcos Jr. pinangunahan ang groundbreaking
MANILA, Philippines — Mismong si Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang nanguna sa groundbreaking ceremony para sa konstraksyon ng dalawang istasyon ng Metro Manila Subway Project (MMSP) sa Pasig City kahapon.
Kasama ng Pangulo si Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista sa naturang groundbreaking ceremony para sa konstraksiyon ng Ortigas at Shaw Boulevard stations ng MMSP, na siyang kauna-unahang underground railway system sa bansa.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Pang. Marcos na ang Phase 1 ng proyekto ay inaasahang makatutulong upang mapaigsi ang oras ng biyahe sa pagitan ng Quezon City at Ninoy Aquino International Airport (NAIA) mula 90 minuto hanggang 35 minuto na lamang.
Dagdag pa ng Pangulo, makatutulong din aniya ang proyekto upang mapalakas ang business opportunities at economic activity sa bansa.
Matapos naman ang groundbreaking ceremony, sinimulan na rin ang paghuhukay para sa subway.
Dahil dito, kinailangang isarado ang bahagi ng Meralco Avenue, mula sa Capitol Commons hanggang sa Shaw Boulevard.
Inaasahang tatagal ang road closure hanggang sa taong 2028 ngunit magpapatupad naman ang mga otoridad ng traffic rerouting upang maiwasan ang pagsisikip ng daloy ng trapiko.
Anang DOTr, ang buong contract package para sa Phase 1 ng MMSP ay halos 3.4 kilometro na may dalawang istasyon na konektado ng 920.5-metrong tunnel at extended sa 1.86 kilometrong tunnel na nagkokonekta sa Shaw Boulevard hanggang Kalayaan Avenue Station sa Taguig City.
Samantala, ayon naman kay DOTr Undersecretary Cesar Chavez, inaasahan nilang makukumpleto ang konstraksiyon ng MMSP, pagsapit ng taong 2028 o 2029.
“Ang isa sa mga contractor natin ay siya ring gumawa ng subway sa Tokyo, Indonesia, Vietnam, Singapore. Nag-a-average po ng six to seven years ang construction at ganun din sa Pilipinas. So sa siyentipikong pag-aaral, tapos na ito by 2028 to 2029,” dagdag pa nito.
Kinumpirma rin niya na sinimulan na rin ang konstruksiyon sa East Valenzuela station at depot, gayundin sa North Avenue station habang ang contract signing naman para sa Packages 2 at 3, na kinabibilangan ng mga istasyon sa Ortigas, Quezon Avenue, East Avenue, Anonas, at Katipunan ay isasagawa na sa susunod na buwan. — Malou Escudero