MANILA, Philippines — Sinimulan na ng Manila Police District (MPD)-Moriones Station ang pagbibigay ng buwanang cash assistance sa ilang pinakamahihirap na mag-aaral ng Isabelo Delos Reyes Elementary School sa Tondo, Manila kahapon ng umaga.
Nabatid kay Moriones Police commander PLtCol Harry Lorenzo III, na 35 mag-aaral mula kindergarten hanggang Grade VI na pinakamahihirap sa kanilang batch ang nabigyan ng tig-P500 na allowance na isasagawa kada buwan.
Alas-10 ng umaga nang umpisahan ang program sa pag-aabot mismo ni Lorenzo ng cash assistance kay Mrs. Eleodora Vergara, punong-guro ng paaralan.
Katuwang sa pamamahagi ng cash assistance ang Manila Chinese Action Team (MCAT), station advisory group at maging ang Divisoria Rider’s Club.
Ang nasabing programa ay bahagi ng pag-aadopt sa mga piling mag-aaral ng PNP na dapat ayudahan. Bahagi rin ito ng SAFE (Seen, Appreciated, Felt and Extraordinary) program ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) na hindi lang sa paglaban sa krimen dapat maramdaman umano ang mga pulis.