MANILA, Philippines — Nabingwit ng mga nagbabasura ang bangkay ng isang babae na pinaniniwalaang biktima ng summary execution na isinilid sa sako at saka itinapon sa Tullahan River, kahapon ng umaga sa Malabon City.
Dakong alas-8 ng umaga nang matagpuan ang bangkay sa Tullahan River na sakop ng Northern Hills Property Compound, Industrial Road Brgy. Potrero, Malabon.
Nangunguha ng basura si Alfredo Broa, 73, sa lugar nang madiskubre nito ang isang sako kung saan nakasilid ang katawan ng isang babae.
Agad ipinaalam ng saksi sa duty guard ang nadiskubre saka i-nireport ang insidente sa mga tauhan ng Malabon Police Sub-Station 1 na mabilis namang rumesponde sa lugar. Sa isinagawang pagsisiyasat ng pulisya, ang biktima ay may tattoo sa kanang binti at kaliwang bisig na nakasuot ng itim na sando at brown checkered short pants.
Naka-posas ang mga kamay ng biktima habang ang kanyang mga paa ay nakatali ng wire na nakakabit sa posas habang naka-balot naman ng masking tape ang kanyang mukha.
Patuloy naman ang follow-up imbestigasyon ng pulisya para sa posibleng pagkakilanlan ng biktima na dinala sa PNP crime laboratory para sa autopsy examination.