14-anyos estudyante, utas sa saksak ng kapwa teenager

MANILA, Philippines — Isang 14-anyos na estudyante ang patay sa saksak ng kapwa menor de edad sa compound ng isang supermarket sa E. Rodriguez Avenue, Quezon City nitong Huwebes ng gabi.

Ayon sa pulisya, nagtamo ng tatlong saksak ang biktimang si Xian Ezekiel Pastores, Grade 8 student.

Naisugod pa sa ospital ang biktima pero binawian din ng buhay.

Ayon sa tatay ng biktima, nalaman lamang nila ang insidente nang pumunta sa kanilang bahay ang kaibigan ng kanyang anak. Anya, hinawakan umano ang kanyang anak ng mga babae at sabay inundayan ng saksak ng suspek.

Samantala, naaresto ang suspek na isang 15-anyos na binatilyo na dinala agad sa police station at lima pa nitong kasamahan na may edad 14 hanggang 16-anyos.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, kasama ng biktima ang kanyang mga kaibigan galing sa eskwelahan nang biglang sumulpot ang grupo ng mga suspek at saka pinagtulungan ang biktima.

Mistula umanong ki­nursunada ng mga suspek ang biktima kaya nagawa ang krimen.

Ang mga suspek ay nai-turn over na sa Social Development Department ng Quezon City Police dahil menor de edad pa.

Show comments