MANILA, Philippines — Posibleng magkaroon ng kakulangan sa stored-value passenger train card “beep card” sa muling pagbubukas ng klase sa Lunes dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga mag-aaral na sasakay sa tren.
Bunga nito, inatasan ng Department of Transportation ang Public Transport Operators (PTO) na gumawa ng adjustments sa pagbebenta ng beep cards para maiwasan ang anumang epektong idudulot nito sa mga pasahero.
Sinasabing ang inaasahang kakulangan sa beep cards ay dulot ng problema sa suplay ng chips sa buong mundo.
Ayon kay DOTr Rail Undersecretary Cesar Chavez, ang beep card provider na AF Payments Inc (AFPI) ay hindi nakapagdeliber ng 75,000 beep cards na demand ng MRT-3 noon pang July 2022 kahit ilang beses nang pinaalalahanan ang supplier nito sa abroad.
Anya sinisikap ng ahensiya na makagawa pa ng ibang mga paraan para maserbisyuhan ang lahat ng pasahero lalo na sa inaasahang pagdagsa ng mga pasahero.
Ang beep cards ay gamit sa mga linya ng tren tulad ng MRT-3 at LRT-1 at 2.