MANILA, Philippines — Isang binata ang binawian ng buhay matapos na makuryente nang buhusan niya ng tubig ang kumikislap na kuryente sa bubong ng kanilang tahanan sa Quezon City, kamakalawa.
Naisugod pa sa Rosario Maclang Hospital ang biktimang si Ian Paulo De Castro, 24, ng 10 Feria Road, Brgy. Old Balara, Quezon City ngunit idineklara na ring patay ng mga doctor dakong alas-11:08 ng gabi ng Miyerkules matapos na magtamo ng mga sunog sa kaliwang balikat at tiyan.
Batay sa ulat ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD), nabatid na dakong alas-10:00 ng umaga kamakalawa nang maganap ang insidente sa tahanan ng biktima.
Ayon kay PCPL Angel Pascasio III, bago ang insidente ay lumabas ng bahay ang tiyuhin ng biktima na si Ranie Sabangan at napansin nitong kumikislap ang kuryente sa kanilang bubungan.
Dahil dito ay bumalik umano sa loob ng bahay si Sabangan upang inspeksyunin ang electrical outlets.
Maya-maya umano ay nagmamadaling lumabas ng silid ang biktima dahil nagsisimula nang masunog ang kanilang dingding.
Umakyat umano ito ng bubong na may dalang isang timbang tubig at saka ibinuhos sa kumikislap na kuryente.
Dahil dito, nakuryente ang biktima, nangisay at nawalan ng malay.
Nang tangkain umanong hawakan ni Sabangan ang pamangkin ay nakuryente rin ito kaya’t humingi na lamang siya ng saklolo sa kanilang barangay officials. Isinugod ang biktima sa pagamutan ngunit namatay rin.