MANILA, Philippines — Pinatawan na ng kaukulang parusa ang pito katao na inaresto ng mga awtoridad sa iba’t ibang operasyon sa Metro Manila dahil sa diumano’y pagbebenta ng mga gamot, test kits at pamemeke ng mga resulta ng COVID-19 tests.
Ayon kay Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) National Capital Region Chief, PCol. Randy Glenn Silvio, hinatulan ng pagkabilanggo ng mula 6 na buwan hanggang isang taon o multang mula P5,000 hanggang P50,000 ang mga lumabag, nagsamantala at pinagkakitaan ang krisis sa COVID-19.
Ang mga akusado ay naaresto ng mga operatiba ng CIDG na pinamumunuan ni CIDG director Police Major Gen. Eliseo Cruz sa magkakahiwalay na entrapment operations noong Agosto hanggang Disyembre 2021.
Sila’y kinilalang sina Paul Henry Ferra na nadakip noong Agosto 17 ay inatasan ng korte na magmulta ng P50,000; Mary Anne Lachica na naaresto noong Oktubre 14, napatawang magbayad ng P10,000; Nomeo Miano Jr., naaresto noong Nobyembre 11 ay kulong ng isang taon, bukod pa sa multang P50,000; Kenneth Wright, na nadakip ng Nob, 23 ay pinagmumulta ng P50,000 at may kulong na mula 6 na buwan hanggang isang taon; Fritz Loza, na naaresto noong Dis. 15 na pinagmumulta ng P50,000; at sina Jan Elvin Pascual at Neina Llonto, na inaresto noong Set. 3 at Set 7, na kapwa pinagmumulta ng tig-P5,000.