MANILA, Philippines — Isa ang patay habang 14 pa ang naospital makaraang kumain ng ‘mami’ na binili sa isang karinderya sa Tondo, Maynila kamakalawa ng umaga.
Nalagutan ng buhay sa loob ng Tondo Medical Center si Josefina Manila, 43 at nakatira sa Cavite Street, Gagalangin, Tondo.
Nakilala naman ang ibang isinugod sa pagamutan na sina Jimmy Rebaya, 52; Eliza Mae Alde, 14; Althea Jade Cabandi, 16; Kean Dave Dela Cruz, 5; Roldan Queen Garalde, 11; Rose Carla Atenta, 18; Ronnie Tante, 12; Aliyah Cabandi, 1-taong gulang; Inez Cabandi, 57; Isidro Biano Jr., 28; Irma Rivera, 68; Mark Anthony Balaroyos, 14; Nerliza Picao, 35; at Levita Manila, 70.
Sa inisyal na ulat ng Raxabago Police Station 1 ng Manila Police District (MPD), dakong alas-10:30 ng umaga nang maganap ang insidente sa kainan sa may Gapan Street, Brgy. 172 Gagalangin, Tondo, na pag-aari ng isang Joy Dela Vega, 45.
Ayon sa mga biktima, matapos nilang kumain ng ‘mami soup’ ay nakaramdam na sila ng pagkahilo at pagsusuka.
Kumuha na ng sample ng ‘mami soup’ ang Manila Health Department (MHD) na ipadadala sa Food and Drugs Administration laboratory para isailalim sa pagsusuri.
Hinihintay pa ng MPD ang resulta ng pagsusuri ng FDA para sa isasagawang tamang disposisyon nila sa insidente.