2 magkaibigang dalagita nasawi sa flashfloods sa Quezon City

Nabatid na ang mga biktima ay kapwa 15-anyos lamang.  Isa sa kanila ay hindi pa kumpirmado ang pagkakakilanlan habang ang isa pa ay kinilala na ng kanyang ina.
STAR / File

MANILA, Philippines — Magkaibigan at magkasama pa ang dalawang dalagitang natagpuang patay ka­makalawa, nang malunod ang mga ito matapos na tangayin ng flashfloods sa Quezon City noong Sabado ng gabi.

Nabatid na ang mga biktima ay kapwa 15-anyos lamang.  Isa sa kanila ay hindi pa kumpirmado ang pagkakakilanlan habang ang isa pa ay kinilala na ng kanyang ina.

Ayon sa Quezon City Police District (QCPD)-Talipapa Police Station 3, ang unang biktima ay nadiskubre dakong alas-12:05 ng madaling araw sa Pasong Tamo Bridge III sa Mindanao Avenue, sa Brgy. Bahay Toro ng dispatcher na si Jeffrey Pariñas.

Samantala, batay naman sa ulat ng QCPD-La Loma Police Station 1, ang ikalawang biktima ay nadiskubre sa pampang ng ilog sa Lorraine St., Brgy. Apolonio Samson, ng mangangalakal na si Samuel Balatong dakong alas-3:00 ng madaling araw.

Nagtungo na sa pulisya ang ina ng biktima na si Aling Salvacion Peralta at kinilala ang anak.

Batay sa imbestigasyon ng QCPD, lumilitaw na bago nadiskubre ang mga bangkay ng mga biktima ay magkasama pa silang dalawa habang natutulog sa ilalim ng tulay sa Piland Road sa Brgy. Culiat, QC, noong Sabado ng gabi, kasama si Cedric Paras, 17, na live-in partner ng ikalawang biktima.

Ayon kay Paras, pagsapit ng alas-8:00 ng gabi ay nagising na lang sila nang maramdamang tumataas ang tubig-baha sa lugar.

Dahil dito, kaagad umano silang bumangon at tinangkang lumikas sa mas mataas na lugar ngunit tinangay na ng malakas na agos ng tubig ang mga biktima na magkahawak-kamay.

Tinangka pa umanong sundan ni Paras at iligtas ang mga biktima ngunit hindi na niya natagpuan ang mga ito.

Show comments