MANILA, Philippines — Anim katao, ang sugatan nang magkabanggaan ang isang delivery truck at isang ambulansiya sa Quezon City, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang mga biktima na sina Argie Almazan, asawang nitong si Neslie at kanilang anak, na dalawang taong gulang lamang; Juan Paolo Marcelino; Jeremy Dela Cruz, at Geilbert Bilar.
Batay sa ulat ng Traffic Sector 1 ng Quezon City Police District (QCPD), nabatid na dakong ala-1:55 ng hapon nang maganap ang aksidente sa Brgy. Lourdes, QC.
Lumilitaw sa imbestigasyon na binabaybay ng ambulansiya, na minamaneho ni Marcelino, sakay si dela Cruz, ang Cordillera St., nang mabangga nito ang isang Isuzu Elf truck na mula naman sa Cuenco St. at minamaneho ni Bilar.
Nasugatan sa insidente sina Marcelino, dela Cruz at Bilar, habang nadamay at nasugatan din ang pamilya Almazan nang maipit ng dalawang behikulo ang kanilang sinasakyang motorsiklo.
Ang mga biktima ay pawang isinugod na sa East Avenue Medical Center upang malapatan ng lunas.
Ayon sa mga imbestigador, wala namang sakay na pasyente ang ambulansiya nang maganap ang aksidente, habang sinabi ng driver ng truck na hindi niya narinig ang wangwang ng ambulansiya.