MANILA, Philippines — Kasabay ng rainy season, nagsagawa ng clean-up drive ang Caloocan City sa pangunguna Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan sa ilang barangay sa lungsod laban sa iba’t ibang sakit partikular ang dengue.
Ayon kay Malapitan, katuwang ang City Environmental Management Department (CEMD) nilinis ang Barangay 172 at Barangay 177 sa North Caloocan at Barangay 18 sa South Caloocan.
Sinabi ni CEMD Officer-in-charge Ryan Castillo, mahigpit ang kautusan ni Malapitan na tiyaking malinis ang mga pampublikong lugar, kalsada at mga eskinita na pinamumugaran ng mga insekto.
Nagsagawa rin ang CEMD ng fogging at declogging activities upang mapuksa at masawata ang dengue-carrying mosquitoes.
Maging ang mga drainage ay nilinis din upang matanggal ang bara dulot ng basura at tuluy-tuloy ang daloy ng tubig kanal.
Umapela naman si Malapitan sa mga residente na maging responsable rin sa pagtatapon ng basura at pagpapanatiling malinis ang kanilang bahay sa loob at labas.