MANILA, Philippines — Nakakumpiska ng 260 kilo ng hinihinalang shabu na nakasilid sa tea packs at nagkakahalaga ng kabuuang P1.768 bilyon, ang mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), katuwang ang Philippine National Police (PNP), sa dalawang sabayang buy-bust operation sa Quezon City at Cavite kahapon.
Batay sa ulat ni PDEA Director General Wilkins Villanueva, unang naaresto ang suspek na si Cai Jia Zhu alyas Anson Chua, 41, ng Durian St., Cuevas Ville Subdivision, Molino III, Bacoor, Cavite.
Ayon kay Regional Director Christian Frovaldo, ng PDEA-National Capital Region (NCR), dakong alas-10:30 ng umaga nang isagawa ang operasyon laban kay Chua, sa kahabaan ng Maria Clara St., sa Banawe, Quezon City.
Kaagad na inaresto ang suspek at nakumpiskahan ng 40 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P272 milyon, isang unit na android phone; dalawang COVID-19 vaccination ID; driver’s license, at isang Toyota Corolla.
Samantala, dakong alas-11:30 ng umaga naman nang maaresto ang suspek na si Hai Lin, 41, sa kanyang tahanan sa Fullana St. corner Soriano St., Avida Residences, Santa Catalina, Molino-Paliparan Road, sa Dasmariñas, Cavite.
Kaagad na inaresto si Lin na nakumpiskahan naman ng 220 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P1.496 bilyon, tatlong Unit na Android phone; isang analog na telepono; isang IOS phone; isang COVID-19 vaccination ID at driver’s license.
Ang mga suspek ay nakapiit na at kapwa sasampahan ng mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.