P4 milyong puslit na carrots mula China, nasabat ng BOC

MANILA, Philippines — Nakumpiska ng Bureau of Customs (BOC) noong Martes ang may P4-milyong halaga ng illegally imported na carrots sa Manila International Container Port (MICP) matapos na makatanggap ng impormasyon hinggil sa pagpasok ng mga misdeclared agricultural products doon.

Nabatid na nakatanggap ang Customs’ Intelligence Group (IG) at Customs Intelligence and Investigation Service-MICP ng “derogatory information” hinggil sa shipment na posibleng smuggled agricultural products, partikular na ng carrots, mula sa China.

Kaagad namang nag-request ang grupo ng Special Stop order, na nilagdaan ni MICP District Collector Romy Allan Rosales, upang maeksamin ang shipment, na idineklara bilang steamed buns.

Nang busisiin ang shipment, dito natuklasang mga carrots pala ang laman ng mga ito kaya’t kaagad na itong kinumpiska.

Pinuri naman ito ni Customs Deputy Commissioner for Intelligence Raniel Ramiro at CIIS Director Jeoffrey.

Para naman kay CIIS-MICP chief Alvin Enciso, hindi magiging posible ang operasyon kung wala silang natanggap na impormasyon mula sa kanilang mga re­liable na impormante.

Batay sa dalawang Alert Orders, ang Silverpop Dry Goods Trading ang consi­gnee ng kabuuang 2,600 karton ng steamed buns. Ang broker nito ay natukoy na isang Nemesio Asan Blancaflor Jr.. Ang dalawang shipment, na nagkakahalaga ng tig-P2 milyon, ay duma­ting noong Hunyo 6, mula sa China. Kasunod naman nang nalalapit nang pagbaba sa puwesto ng administrasyong Duterte, sinabi ni Customs Commissioner Rey Leo­nardo Guerrero na ito ang uri ng legasiya na nais niyang maiwanan. “We’ve stopped billions of pesos worth of smuggled products through our institutionalized reforms and relentless anti-smuggling efforts. This is what I hope can continue moving forward,” aniya.

Show comments