MANILA, Philippines — Inaasahang aarangkada na sa 2025 ang kauna-unahang underground railway system sa Pilipinas.
Kahapon, Araw ng Kalayaan, naiposisyon na ang tunnel boring machine ng Metro Manila subway project.
Mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang nanguna sa lowering o pagbaba ng nasabing machine sa Brgy. Ugong, Valenzuela City.
Ang naturang subway project ay pinondohan ng Japanese government. Nagkakahalaga ito ng P488 bilyon.
Ito’y may rutang mula Valenzuela City patungong Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 sa Pasay City.
Mula sa kasalukuyang 1 oras at 10 minutong biyahe, inaasahang mapapabilis ng subway project ang biyahe mula Quezon City hanggang NAIA nang 35 minuto. Sa oras na maging operational ang subway, aabot sa 370,000 pasahero bawat araw ang kayang serbisyuhan nito.
Target na umarangkada ang partial operations nito sa 2025 at full operations sa 2027.