MANILA, Philippines — Tiniyak ng Head ng Housing Community Development and Resettlement Department (HCDRD) ng Quezon City na tuluy-tuloy ang in-city housing program sa mga Informal Setllers Families (ISF) sa lungsod.
Ayon kay Atty. Joselito V. Conejero, acting Assistant Department Head ng HCDRD, hindi na kailangan pang ilipat sa malalayong lugar ang mga ISF dahil sa programang pabahay ni 2nd-termer Mayor Joy Belmonte na ‘in-city’, ang mga ISF ay mabibigyan na ng kanilang sariling tahanan sa loob mismo ng siyudad.
Sinabi ni Conejero, sa ilalim ng Direct Sale Program, naging lehitimong may-ari ng lupa ang mga residente na matagal nang naninirahan sa mga pribado o pag-aari ng gobyernong lote, ang nabiyayaan ng programa.
Mismong si Mayor Joy Belmonte at pamunuan ng HCDRD ang nagbigay ng mga titulo sa mga benepisyaryo mula sa mga home owners association ng Barangay Baesa (Asamba), Escopa III (PUD SITE), Bagong Silangan (Proper), Bagong Silangan (Covenant), Kaligayahan (Phase II), Fairview (Sitio Ruby), Brgy. Novaliches Proper (Fantasy HOA), Brgy. Bungad, Brgy. Sto. Niño, Brgy. Payatas (Sandig), at Brgy. Kaligayahan (QCHP No. 2).
Tatlong malalaking lote rin na pag-aari ng National Housing Authority (NHA) na matatagpuan sa Botanical Garden at Forestry sa Brgy. Central, at sa NIA Road sa Brgy. Pinyahan ay inaayos na ni Mayor Belmonte upang ang kabuuang bilang ng ISF na 6,873 naninirahan doon ay magawaran na ng sarili nilang mga lupa at tahanan.
Iniulat din ni Conejero na may apat din na gusali ang naitayo na, sa ilalim ng ‘in city socialized housing projects.’ Dalawa rito ay nasa Barangay Nagkaisang Nayon, isa sa Brgy. San Agustin, at Brgy. Gulod.
Anim na gusali pa ang kasalukuyang itinatayo kabilang ang 12 palapag na “high rise building” na may 48 units na ilalaan sa mga ISF pa sa lungsod, para kanilang matuluyan, na abot-kaya ang halaga upang mapasa-kanila na rin bilang kanilang tirahan.
Maari rin naman makapamili ang mga ISF na nais manirahan sa mga NHA ‘relocation sites’ na matatagpuan sa Norzagaray, Bulacan at Baras, Rizal, pagtatapos ni Conejero.