MANILA, Philippines — Nangangamba ang pamunuan ng Philippine General Hospital (PGH) sa ‘exodus’ o paglisan ng marami sa kanilang “skilled” healthcare professionals sa gitna ng pagbubukas ng mga oportunidad sa iba’t ibang bansa.
Ayon kay PGH spokesperson Dr. Jose Jonas Del Rosario, posibleng marami sa kanilang healthcare workers na karamihan ay mga skilled ang mag-resign para sa mas magandang kompensasyon sa ibayong dagat.
“Nag-open po ang maraming bansa para sa mga healthcare worker. Madami po kaming nakikitang resignation ngayon at ‘yung mga iba po, skilled talaga sila. Mga matagal na pong operating room nurses, mga nasa ICU po,” pahayag ni Del Rosario.
Upang agad namang matugunan ang mga inaasahan nilang vacancies, sinabi ni Del Rosario na sinisimulan na rin nila ang recruitment ng mga bagong staff.
Handa rin anya ang PGH na i-train ang mga nurse na kaunti pa lang o walang professional experience.
“Iyon po ang aming problema. In fact, ang PGH po ay nananawagan sa mga nurses na mag-apply po. Marami po kaming bakante ngayon. Hindi lang sa ICU or operating room, pati sa mga ward. They’re actively recruiting para habang medyo may kaunting katahimikan ay madagdagan bago dumating, kung sakali lang, magkaroon ng surge…Kahit bago lang, willing kami mag-train sa kanila basta mag-apply sila sa PGH,” paliwanag ni Del Rosario.
Sa ngayon, kabilang na rin ang Taiwan at Saudi Arabia sa talaan ng mga bansang pinayagan ang OFW deployment.