MANILA, Philippines — Pinamamadali ng Department of Health (DOH) ang pagpapalabas ng P1.08 bilyong pondo para sa kompensasyon sa pagkakasakit at pagkamatay ng mga kuwalipikadong healthcare workers sa mga pampubliko at pribadong ospital na sangkot sa pagresponde sa COVID-19 ng pamahalaan.
Naglabas na ang DOH at ang Department of Budget and Management (DBM) ng Joint Circular No. 2022-0002 para sa pagpapabilis sa paglabas ng pondo. Sakop nito ang mga medical at health workers na direktang nangangalaga sa mga pasyente at maging ang mga tauhan sa teknikal, administratibo, at support staff ng mga pasilidad pangkalusugan.
Sila ay maaaring regular, pansamantala, co-terminous, contractual o casual, nasa full-time o part-time basis.
Maaari rin na sila ay mga ‘clinical consultants’, resident na doktor, o ‘fellows’ na nagsasanay. Pasok din dito ang mga volunteer workers tulad ng mga ‘swabbers, vaccinators, encoders, bar coders, contact tracers’, at mga tsuper ng ambulansya, maging mga miyembro ng Barangay Health Emergency Response Team (BHERT) at mga barangay health workers (BHWs).
Nagkakahalaga ito ng P15,000 sa mga tinamaan ng mild hanggang moderate na impeksyon ng COVID-19 at P100,000 sa mga naging kritikal. Nasa P1 milyon naman ang kompensasyon sa mga naulila ng mga healthworker na nasawi habang sumasagupa sa COVID-19.
«The grant is one of the government’s core initiatives to recognize the invaluable services of personnel who have provided direct patient care and related support services to protect and save Filipino lives from COVID-19,” ayon sa DOH.
Sakop na petsa nito ay mula Enero 1, 2022 at hanggang sa tanggalin na ang ‘public health emergency’ sa buong bansa.
Una nang naproseso ng DOH ang higit sa P282 milyon para sa pagbabayad sa 21,800 na ‘sickness at death claims’ ngayong 2022. Nakikipag-ugnayan naman ang DOH sa DBM para ilabas ang pondo para naman sa pagbabayad sa mga claims na sakop ng taong 2020 at 2021.