Mas maraming elevators at escalators ng LRT-2, operational na

MANILA, Philippines — Makakaasa na ang mga commuters ng Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) ng mas kumbinyenteng biyahe ngayong mas marami ng escalators at elevators nila ang operational na.

Batay sa ulat ng Light Rail Transit Authority (LRTA), na siyang operator ng LRT-2, nabatid na hanggang nitong Mayo 17, 2022, umaabot na sa 66 mula sa 72 escalators at 36 sa 40 elevators ng LRT-2 ang operational na.

Anang LRTA, isinailalim ang mga elevators at escalators sa rehabilitasyon at pagkumpuni, bilang bahagi ng pagpapahusay ng LRTA sa accessibility ng rail service para sa riding public, partikular na ng mga matatanda, buntis at mga persons with disabilities (PWDs).

Matatandaang una nang ipinag-utos ni Transportation Secretary Arthur Tugade ang agarang pagkukumpuni sa lahat ng depektibong elevator at escalator ng LRT-2.

Ipinag-utos din ng kalihim ang pag-blacklist ng mga erring suppliers ng mga ito.

“The LRTA’s top priority is to ensure that everyone, especially the mobility-challenged train riders -- the elderly or senior citizens, pregnant women, and persons with disabilities (PWDs) can easily move around its stations and board its trains,” anang LRTA sa isang pahayag.

Ang LRT-2 na may 17.69 kilometrong haba, ay mayroong 13 istasyon mula sa Recto sa Maynila hanggang sa Masinag sa Antipolo City.

Mayroon itong estimated na ridership na hanggang 300,000 katao araw-araw.

Show comments