MANILA, Philippines — Nahuli sa ‘camera’ ang isang grupo ng mga kabataan sa lungsod ng Maynila na nagsasagawa ng ‘street party’ nang walang suot na mga face mask.
Nabatid na nagseselebra ng fiesta sa kanilang lugar ang mga kabataan ngunit nakita silang nagsasayawan sa kalsada ng walang suot na face mask at dikit-dikit din na paglabag sa ipinatutupad na ‘health protocols’ ng pamahalaan. Marami ring umpukan na nag-iinuman sa gilid ng kalsada ang mga kabataan na isa ring paglabag sa ordinansa sa Maynila.
Nakita namang nag-iikot ang mga opisyal ng barangay at sinisita ang mga kabataan. Ang mga walang face mask ay pinauuwi na lamang.
Katwiran ng isang tinedyer na residente, ito kasi umano ang unang pagkakataon na makapagselebra sila ng fiesta matapos ang dalawang taon na lockdown. Hindi naman umano sila nag-imbita ng bisita na taga-ibang lugar bilang pag-iingat din at sila-silang magkakapitbahay na lamang ang nagkasayahan.
Sa inilabas na datos ng Manila City Health Department, mayroon pang 25 aktibong kaso ng COVID-19 sa Maynila nitong Mayo 15.
Magmula nang pumutok ang pandemya sa bansa noong 2020, nakapagtala na ang siyudad ng kabuuang 115,881 kaso kung saan nasa 1,922 sa kanila ang pawang mga nasawi.