Sunog sa Caloocan: 4 patay, 1 sugatan

Nakuha na ang mga sunog na katawan nina Teresita Arevalo, senior citizen, anak na si Ricardo at dalawa pa nilang kaanak na kinilala bilang sina Cecilia Flores at Margaret Flores mula sa debris ng kanilang bahay sa Kalabawan Compound, Namie St. Brgy. 37.
STAR/ File

MANILA, Philippines — Apat katao ang kumpirmadong patay, habang  isa ang sugatan nang sumiklab ang apoy at  matupok ang ilang kabahayan sa Maypajo, Caloocan City kahapon  ng tanghali.

Nakuha na ang mga sunog na katawan nina Teresita Arevalo, senior citizen, anak na si Ricardo at dalawa pa nilang kaanak na kinilala bilang sina Cecilia Flores at Margaret Flores mula sa debris ng kanilang bahay sa Kalabawan Compound, Namie St. Brgy. 37.

Habang isinugod naman sa pinakamalapit na pagamutan si Danny Tambungi, residente rin sa naturang lugar para magamot ang tinamong sugat nito.

Dakong alas-12:51 ng tanghali nang sumiklab ang  sunog sa bahay ng mga biktima at mabilis na kumalat ang apoy sa mga katabing bahay na pawang gawa sa light materials.

Dahil sa mabilis naman na pagresponde ng mga tauhan ng Caloocan City firefighters at mga volunteers ay agad napigilan ang pagkalat ng apoy kung saan idineklarang fire out ang sunog dakong ala-1:40 ng hapon.

Sa pahayag ng isang saksi sa arson investigator, tinangka umanong iligtas sana ni Ricardo ang kanyang ina sa nasusunog nilang bahay subalit, pareho umano silang nakuryente at na-trap sa loob.

Nasa apat na bahay ang nadamay sa sunog kaya’t nawalan ng tirahan ang nasa 15 na pamilya habang inaalam pa kung magkano ang naging pinsala sa ari-arian.

Show comments