MANILA, Philippines — Sinampahan ng plunder, graft at technical malversation sa Office of the Ombudsman sina Malabon Mayor Antolin Oreta at 20 pang opisyal dahil umano sa ilegal na paggamit ng P69 milyong pondo ng United Financial Assistance System for Tertiary Education (UniFAST).
Nakasaad sa sinumpaang salaysay ni Dennis Garcia Padua, residente ng Malabon, inaprubahan ng Lupon ng mga Rehente ng City of Malabon University (CMU) at Sangguniang Panlungsod ng Malabon ang P69-M pondo mula sa UniFAST sa pagbayad para sa suweldo, panustos, at iba pang gastusin sa Unibersidad.
Ayon sa Republic Act. 10687, ang pondo ng UniFAST ay tulong pinansyal sa mga kwalipikadong mga estudyante.
Ang ilegal umanong paggamit ng pondo sa nasabing halaga ay technical malversation sa ilalim ng Article 220 ng Revised Penal Code at plunder o pandarambong sa ilalim ng Republic Act No. 7080.
Bukod kay Mayor Oreta, kinasuhan din sina Melissa Grace Oreta, Sofronia Lim, Engr. Manuel Chua Co Kiong, Anthony Rodriguez, Dr. Raymundo Arcega, Harvey Keh, Jonathan Co, Maria Pilar Herbolario, Dr. Lucila Bondoc, Michael Lavado, at Marlon Travero, na mga miyembro ng Lupon ng Rehente ng CMU, at Bernard C. Dela Cruz, Paulo D. Oreta, John Anthony P. Garcia, Maria Anna Liza G. Yambao, Danilo V. Dumalaog, Jose Lorenzo A. Oreta, Prospero Alfonso R. Manalac, Ejercito V. Aquino and Jasper Kevin D. Cruz, na mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod ng Malabon.
Ang lahat ng mga respondent ay sinasabing lumabag sa RA 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act sa pagtatalaga kina Student Representative Travero, Department of Science and Technology (DOST) Representative Herbolario, at University President Grace Oreta bilang miyembro ng Lupon ng mga Rehente ng CMU sa kabila ng kaduda-dudang kwalipikasyon.
Ang paghirang kay Grace Oreta, asawa ni Mayor Oreta, bilang Instructor I at pagtalaga bilang University President ay bumuo ng duda dahil nakita itong hakbang para maiwasan ang limitasyon sa nepotismo. Ang nepotismo o ang paghirang sa posisyong pabor sa kamag-anak ng nagrerekomendang awtoridad o mga taong may direktang pangagasiwa sa hinirang ay ipinagbabawal sa Administrative Code of 1987.
Noong Hunyo 28, 2021, ang City Ordinance 15-2021 o Ordinance Converting CMU as a Local Economic Enterprise (LEE) ay pinagtibay ng Sangguniang Panlungsod ng Malabon at inaprubahan ng alkalde. Ayon sa sinumpaang salaysay, walang legal na batayan sa paglikha sa nasabing ordinansa.
Nagsampa rin ang mga nagrereklamo ng kasong Grave Misconduct dahil sa hindi pagsunod ng mga respondent sa batas.
Wala pang tugon ang kampo ni Mayor Oreta at iba pang opisyal kaugnay sa isinampang kaso sa Ombudsman habang isinusulat ang balitang ito.