Bagong coding scheme, 4-day workweek balak ng MMDA
Para maibsan ang trapik
MANILA, Philippines — Planong magpatupad ng panibagong ‘number coding scheme’ ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) kasabay nang pagrerekomenda nila sa Civil Service Commission (CSC) sa pagpapatupad ng 4-day workweek at pasok na mula alas-7 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon.
Ito ay upang mabawasan ang matinding pagbigat na ng trapiko habang bumabalik na sa normal ang sitwasyon sa bansa.
Sa proposal ng MMDA, plano na ipatupad ang bagong number coding mula alas-7 ng umaga hanggang alas-9 ng umaga at mula alas-5 ng hapon hanggang alas-7 ng hapon.
Sakop ng coding tuwing Lunes ang mga sasakyang may plakang nagtatapos sa 1,2,3,4; sa Martes ang 5,6,7,8; sa Miyerkules ang 9,0,1,2; sa Huwebes ang 3,4,5,6; at sa Biyernes ang 7,8,9,0.
Ayon kay MMDA Chairman Romando Artes, plano na umpisahang ipatupad ito sa Mayo 16 sa lahat ng pangunahing kalsada sa Metro Manila. Layon umano nito na mabawasan ang bigat ng trapiko tuwing peak ng 40 porsyento.
Hindi naman kasama sa number coding ang mga pampublikong sasakyan tulad ng mga bus, jeepney, taxi, TNVS at mga motorsiklo.
Magkakaroon ng pagpupulong ang mga opisyales ng pamahalaan matapos ang Semana Santa para pag-usapan ang mga panukala.
- Latest