‘Panliligaw’ ni Sotto sa Parañaque, may pag-asa

“Hindi nasayang ang pagpunta n’ya vice presidential bet Vicente ‘Tito’ Sotto III at alam naman natin itong city hall is open to all candidate para makilala natin sino karapat-dapat na mamuno sa atin,” ayon kay Mayor Edwin Olivarez.
STAR/ File

MANILA, Philippines — Nakitaan  ng pag-asa ang ginawang ‘panliligaw’ ni vice presidential bet Vicente ‘Tito’ Sotto III sa Pa­rañaque City kahapon makaraang sabihin ni Mayor Edwin Olivarez na malaya ang mga lokal na politiko sa siyudad na suportahan sinumang kandidato sa nasyunal na posisyon.

“Hindi nasayang ang pagpunta n’ya (Sotto) at alam naman natin itong city hall is open to all candidate para makilala natin sino karapat-dapat na mamuno sa atin,” ayon kay Olivarez.

Ito ay makaraang aminin ni Olivarez na opisyal nang iniendorso ng PDP-Laban (Cusi wing) ang kandidatura ni Davao City Mayor Sara Duterte.  Sa kabila nito, pinal na pagdedesisyunan pa ng kanilang ‘national executive committee’ ng mga kandidato sa pagkapangulo at senador bago ilatag sa assembly.

Kakaiba naman umano ang sitwasyon sa lokal na politika ng Parañaque dahil sa galing sa magkakaibang partido ang mga opisyal nila.  Kasama dito ang kasalukuyang konsehal na si Wahoo Sotto, pamangkin ni Sen. Sotto.

Tahasang inamin naman ni Sotto na nanliligaw siya sa Parañaque sa kabila ng posibilidad na may iba nang sinusuportahan ang partido ni Olivarez.

“Why don’t we put it this way, kaya ako andito ay nanliligaw ako. There is a possibility that the party of mayor olivarez will be backing up other candidates. But that does not prevent us from courting the votes of Parañaque,” ayon kay Sotto.

Ipinagmalaki rin niya na sa mga tumatakbo sa bise presidente, tanging siya lamang ang may nagawa para sa Parañaque City bilang may-akda at isponsor ng Cityhood nito.

Show comments