MANILA, Philippines — Sugatan ang aktor na si Diether Ocampo nang sumalpok ang minamanehong sasakyan sa nakaparadang truck ng basura sa may President Osmeña Highway, Makati City, kahapon ng madaling araw.
Sa ulat ng San Isidro Sub-station ng Makati City Police Station, dakong ala-1:40 ng madaling araw kahapon nang maganap ang aksidente sa service road, southbound lane ng Pres. Osmeña Highway, panulukan ng Vanburen Street, Barangay Pio Del Pilar.
Sa ulat ni P/Corporal Dan Sherwin Joven, nakahimpil ang garbage truck na minamaneho ng isang Lauro Del Rosario Bañaga, 41, nang salpukin ng itim na Ford Expedition na minamaneho ng aktor na si Diether O. Pascual o Diether Ocampo.
Bandang alas -3:35 ng madaling araw nang dalhin ang driver ng garbage truck sa police sub-station para sa imbestigasyon at pinuntahan naman sa Makati Medical City ang aktor na isinugod doon ng mga tauhan ng Philippine Red Cross.
Lumilitaw sa inisyal na imbestigasyon, binabagtas ng aktor ang service road ng Osmeña Highway na nagmula sa Senator Gil Puyat Avenue, at patungo sana sa EDSA-Magallanes nang bumangga sa rear portion ng truck ng basura, na pansamantala umanong nakahinto dahil kumokolekta ng mga basura.
Wala namang nasaktan o nasugatan sa mga nangongolekta ng basura subalit nasira ang hulihang bahagi ng truck.
Nawasak din ang nguso o unahang bahagi ng Ford Expedition ng aktor.
Inaalam pa kung may kakaharaping reklamo ang aktor o ang driver ng basura.