MANILA, Philippines — Nagbabala kahapon ang isang opisyal ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na mahaharap sa kasong kriminal ang mga commuters na magpiprisinta ng mga pekeng vaccine cards o medical certificates upang makasakay lamang sa mga pampublikong transportasyon.
Ito’y sa panahon nang pagpapairal ng pamahalaan ng bagong polisiya na “no vaccination, no ride” policy simula ngayong Lunes, Enero 17, 2022.
Ayon kay LTFRB-National Capital Region (NCR) Director Zona Tamayo, maaaring maharap sa kasong falsification of public documents ang mga mamemekeng commuters dahil ang mga local government unit (LGU)-issued vaccine card o duly-signed medical certificate ay itinuturing aniyang mga pampublikong dokumento.
“Criminal offense po ‘yan—merong imprisonment, meron pang penalties ‘yan. Medyo mabigat ‘pag sinabi nating criminal offense,” babala pa ni Tamayo.
Maaari umanong patunayan ang full vaccination status ng isang indibiduwal sa pamamagitan nang pagpapakita ng physical o digital copy ng LGU-issued vaccine card, DOH-issued vaccine certification, o anumang Inter-Agency Task Force-prescribed document na may balidong government-issued ID na may larawan at address.
Ang mga indibiduwal naman na may medical conditions kaya’t hindi maaaaring magpabakuna ay exempted sa polisiya ngunit dapat na magprisinta sila ng duly-signed medical certificate na may pangalan at contact details ng kanilang doktor.
Exempted rin ang mga taong bibili ng essential goods o di kaya ay mag-a-avail ng essential services ngunit dapat na makapagpakita ito ng duly-issued barangay health pass o katibayan na mahalaga ang kanyang pagbiyahe.