Warden ng Caloocan City jail, sinibak: Patay sa riot 6 na

Pansamantalang sinuspinde ang dalaw sa Caloocan City jail matapos ang naganap na riot dito kamakalawa kung saan nasawi ang anim na preso at pagkasugat ng nasa 30 pa.
Ernie Peñaredondo

MANILA, Philippines — Umakyat na sa anim na preso ang  namatay,  habang nasa 33 naman  sugatan sa sumiklab  na riot sa Caloocan City Jail kamakalawa ng  hapon sa pagitan ng Commando at Sputnik Gang.

Kasabay nito sinibak naman sa puwesto si  Caloocan City Jail warden Supt. Neil Subibi dahil sa command responsibility. Papalit sa puwesto ni Subibi si Jail Supt. Lloyd Gonzaga.

Sa progress report na  isinumite ni Caloocan police chief Col. Samuel Mina, Jr. kay Northern Police District (NPD) Director Brig. Gen. Jose Hidalgo Jr., kinilala ang dalawa pang nasawi na sina Joel Andrino at Joe Santaguda, kapwa miyembro ng Commando gang. Ang  apat na iba pa ay sina Arturo Bihasa, 60 at Hand Omas, 35, kapwa ng Commando Gang; Sherwin Perez, 52 at John Patrick Chico, 21, ng Sputnik Gang.

Lumilitaw din na dalawang jail officers na sina ­Inspector Freedom Mondeia at Jail Officer 1 Niño Sar­miento ang nasugatan din sa naturang madugong riot.

Sinabi ni Mina, ang insidente ay sumiklab nang magkaroon ng mainitang pagtatalo  at nagkapikunan  ang dalawang magkalabang grupo dahil sa sugal na cara y cruz hanggang sa tumambad ang patay na katawan ng mga  preso.

Patuloy naman inilagay ng BJMP sa heightened alert ang jail compound  at sinuspinde rin ang lahat ng aktibidad sa loob ng pasilidad habang isinasagawa ang masusing imbestigasyon.

Ayon naman  kay BJMP spokesperson Jail Supt. Xavier Solda, nagsagawa na ng diyalogo ang mga tauhan ng Caloocan City Jail sa mga bilanggo upang matiyak na hindi na maulit ang  insidente lalo na sa  ngayong  mga  kinakaharap na  banta ng  virus ang  bansa.

Show comments