MANILA, Philippines — Nababahala na ang Private Hospital Association of the Philippines (PHAPI) dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga pasyenteng may COVID-19 sa mga pribadong ospital sa Metro Manila at karatig lalawigan.
Ito ang inihayag ni Dr. Jose Rene de Grano ng Private Hospitals Association of the Philippines (PHAPI), na nagsabing partikular na naramdaman ang pagtaas ng pasyeteng may COVID sa National Capital Region (NCR), gayundin sa Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal.
Anya, sa ibang lugar naman ay hindi pa tumataas ang kaso ng COVID-19.
“Saka ‘yun nga po ang ating mga pribadong hospitals po, ang mga nakahanda po ‘yan sa mga moderate severe and critical na kaso ‘no. At if you will note, dito po sa mga lumalabas na kaso natin, although mataas talaga ang cases, number of cases, ay usually mild and asymptomatic po,” dagdag pa ni de Grano.
Idinagdag pa nito na aabisuhan na nila ang mga miyembro na ipatupad ng maayos ang safety protocols para maiwasan ang pagkalat ng virus sa loob ng mga pagamutan.
“May mga ilang ospital po na nagkaroon ng COVID-19 ‘yung mga kanilang healthcare workers, siyempre po kailangan nating i-quarantine ‘yung mga ‘yun, lalo na ‘yung kanilang mga direct contacts, para hindi po kumalat ‘yung infection,” dagdag ni De Grano.
Samantala, sinabi rin ni De Grano na patuloy ang ugnayan ng kanilang hanay sa PhilHealth hinggil sa hindi nababayarang claims ng ilang mga pribadong ospital lalo pa nga’t sumisirit na ulit ngayon ang kaso ng COVID-19 sa bansa. Ang Philhealth ang sumusuporta sa pagpopondo sa mga tinatamaan ng virus na dinadala sa mga pagamutan.