MANILA, Philippines — Isang 59-anyos na ama ang isinugod sa ospital matapos hatawin sa ulo, sa kaliwang mata, ilong, kaliwang hita, at kanang balikat gamit ang bote ng alak ng sariling anak sa Tondo, Maynila.
Sa ulat ng Manila Police District-Police Station 2, arestado at nakapiit na ang suspek na kinilalang si Brian Sison, 22-anyos, residente ng No. 932 San Antonio St., Tondo, Maynila, na ipaghaharap ng reklamong frustrated parricide sa Manila Prosecutor’s Office.
Nasa ligtas nang kondisyon at patuloy na nagpapagaling sa Gat Andres Memorial Medical Center ang biktimang si Noel Sison, 59, sa parehong address matapos lapatan ng paunang lunas.
Dakong alas-10:40 ng gabi nang maganap ang insidente sa loob ng bahay ng mag-ama.
Batay sa naging salaysay sa pulisya ni Ellaine Sison, 50, habang sila ng biktima ay nagpapahinga ay dumating ang anak na suspek at kumuha ng bote ng Emperador habang sumisigaw ng “Diyos ako, Diyos ako”, bago hinataw sa ulo ang ama. Sinundan pa ito ng paghataw sa iba’t ibang bahagi ng katawan habang pumapalag ang ama.
Nagsisigaw na ang ina sa labas para tulungan ang biktima na agad namang nirespondehan ng mga barangay tanod na umaresto sa suspek.