MANILA, Philippines — Plano ni Aksyon Demokratiko presidential bet at Manila City Mayor Isko Moreno na rebisahin ang ‘Doble Plaka Law’ na tinawag niyang diskriminasyon sa mga motorcycle riders.
Sinabi ni Moreno na ang Republic Act No. 11235 o ang Motorcycle Prevention Act na pangunahing iniakda ni Senador Richard Gordon ay taliwas sa sentido kumon dahil sa lalo lang nitong pinahihirapan ang mga mahihirap na naghahanapbuhay gamit ang motorsiklo.
“Yon talaga kagaguhan ‘yon. ‘Di lang discrimination. Kagaguhan talaga,” matigas na sambit ni Moreno.
Ang naturang batas ay napirmahan noong Marso 2019 ni Pangulong Rodrigo Duterte na dapat ay solusyon umano laban sa ‘riding-in-tandem’ na mga kriminal na nananalasa sa bansa.
Ngunit ayon sa mga riders, hindi naman malalabanan ng ‘Doble Plaka’ ang krimen dahil sa hindi naman gumagamit ng totoong plaka ang mga kriminal habang dagdag-gastos pa ito sa kanila.
Giit pa ng mga riders, hindi nga mailabas ng Land Transportation Office (LTO) ang nag-iisang plaka na bayad na, lalo na ang dalawa.
Sinabi naman ni Moreno na trabaho at responsibilidad ng mga law enforcement agency partikular ng Philippine National Police (PNP) ang paglaban sa mga krimen sa halip na pagmultahin ang mga riders.