Para ‘di makadagdag sa trapik
MANILA, Philippines — Nagkansela na ang kampo ng Aksyon Demokratiko ng kanilang caravan ngayong papasok ang Disyembre upang hindi na umano makadagdag pa sa lumalalang pagbubuhol ng trapiko ngayong Kapaskuhan.
“Ayaw na naming dumagdag pa sa pabigat sa mga motorista na nagrereklamo na ng mabigat na trapiko makaraang ibaba na sa Alert Level 2 ang Metro Manila at iba pang lugar sa bansa,” ayon kay Manila Mayor Isko Moreno, na siyang presidential bet ng Aksyon Demokratiko.
Sinabi ng alkalde na batid naman nila ang magaganap na ‘mad rush’ sa mga malls at iba pang pamilihan tulad ng Divisoria, na nagdudulot ng mabibigat na trapiko.
“Hence, the cancellation of all motorcades of our supporters beginning today until the first week of January 2022,” pahayag ni Moreno.
Bago ito, higit sa 5,000 motorcycle riders at nasa 500 sasakyan ang sumama sa kanilang “Bluewave caravan” noong Nobyembre 14 sa Metro Manila habang may kapareho ring caravan sa Butuan City noong Nobyembre 21 at Cebu City noong Nobyembre 14.