MANILA, Philippines — Dahil sa pagsusuot ng maikling short kung kaya nasita at tinikitan pa ang isang babae sa Caloocan City.
Isiniwalat ni “Carmina” sa kanyang post sa social media ang sama nang loob nang bigyan siya ng warning sa pamamagitan ng tiket ng isang pulis na sumita sa kanya.
Lumabag umano si ‘Carmina’ sa City Ordinance 439 o Caloocan City Dress Code in Public Places na naipasa noon pang 2007.
Unang inakala ni ‘Carmina’ na ang paninita ng pulis ay may kinalaman sa hindi niya pagsusuot ng facemask, kundi dahil pala sa suot niyang short.
May idedeliber sana si Carmina’ na order nang maispatan ng pulis at isyuhan ng warning ticket.
Base sa city ordinance na ipinasa noong 2007, nagtakda ng “dress code in public places” ang lungsod, kung saan inaatasan ang publiko na magsuot ng tamang damit sa mga pampublikong lugar.
Kabilang sa probisyon ang pagtatakda sa mga nagtitinda sa palengke na bawal ang nakahubad, at naka-short, sando o sleeveless o sira-sirang damit.
Pinaiimbestigahan na ni Caloocan City Mayor Oca Malapitan ang insidente.