MANILA, Philippines — Pinabulaanan ni Eastern Police District (EPD) director, PBGen Matthew Baccay ang mga naglabasang ulat na hindi nila sinampahan ng kaso ang aktor na si Jake Cuenca.
Ayon kay Baccay, totoong nakalaya na ang aktor ngunit nilinaw na sinampahan nila ito ng mga kaukulang kaso sa piskalya kahapon ng umaga.
Ipinaliwanag din ni Baccay na dahil minor offense lang ang kaso ni Cuenca ay kailangan nila itong i-release mula sa kanilang kostudiya dahil lumampas na ang reglamentary period dito na 12 oras.
Kinumpirma rin ni Baccay na nitong Lunes lamang ng umaga nasampahan ng mga kasong reckless imprudence resulting in damage to property at disobedience to agents in authority si Cuenca matapos na hindi ito matuloy noong Linggo.
Ipinaliwanag pa ng heneral na kung hindi nila palalabasin si Cuenca ay ang mga pulis naman ang mairereklamo ng arbitrary detention.
Sabado ng gabi nang arestuhin ang aktor matapos umanong mabangga ang isang sasakyan ng mga pulis, na nagsasagawa ng anti-illegal drug operations sa Mandaluyong City.
Hinabol pa umano ng mga pulis ang aktor dahil sa halip na hintuan ang mga pulis ay tinakbuhan pa niya ang mga ito.
Napilitan din ang mga pulis na barilin ang gulong ng itim na Wrangler na sinasakyan ni Cuenca upang maaresto siya.
Isang Grab driver naman na nakilalang si Eleazar Bandolan Martinito, 43, ang minalas na tamaan ng ligaw na bala dahil sa insidente.
Una na rin namang inatasan ni Baccay ang Mandaluyong City Police na asikasuhin ang Grab driver at tiyaking sasagutin ang lahat ng gastusin nito.
Samantala, ipinaliwanag naman ng kampo ni Cuenca na natakot lang at nagpanik ang aktor kaya ito nagtangkang tumakas.