MANILA, Philippines — Sa patuloy na banta ng virus dahil sa COVID-19, umapela ang Philippine National Police (PNP) sa mga nagbebenta ng oxygen at iba pang medical equipment at supplies na iwasan ang hoarding.
Ayon kay PNP chief Gen. Guillermo Eleazar, ito ang panahon ng malasakit at pagkakaisa para sa kapwa Pilipino. Hindi dapat na pairalin ang pagiging makasarili at pansariling interest.
Sinabi ni Eleazar, inatasan na niya ang kanyang mga chief of police na imonitor ang mga posibleng establisimyento at lugar na nag-iimbak ng mga oxygen tanks at medical supplies .
Panawagan ni Eleazar sa publiko, agad na ipagbigay alam sa kanila ang mga establisimyento o indibiduwal na gumagawa nito. Makikipag-coordinate rin ang PNP sa Department of Trade and Industry (DTI) para sa mga hakbang laban sa gawaing ito.
Samantala, sa pagkakatuklas ng bagong Lambda variant nanawagan si Eleazar sa publiko na sumunod sa mga ipinaiiral na quarantine protocols at minimum public health safety standards.
Ayon kay Eleazar, nakalulungkot na tila ipinagwawalang bahala na ng karamihan ang pagsunod sa minimum health standards at mga quarantine rules sa kabila ng patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa.