MANILA, Philippines — Naging organisado ang pagsisimula kahapon nang pamamahagi ng ayuda ng Quezon City government sa mga apektadong pamilya sa ilalim ng pinaiiral na enhanced community quarantine (ECQ) sa Metro Manila.
Ipinost sa bawat barangay ang pangalan ng mga benepisyaryo at may nakatalagang lugar na pagkukunan ng cash aid kaya naging maayos at hindi sabay-sabay na dumagsa ang mga kukuha nito. Pupunta lamang ang benepisyaryo sa itinakdang schedule .
Para sa maayos na proseso ng claims, bawat payout site ay pinangangasiwaan ng validator mula sa barangay para sa pagsuri sa dokumento, verifier mula sa Social Services and Development Department (SSDD) para sa cross-checking ng pangalan sa masterlist at isang paymaster para sa release ng ayuda.
Ayon kay Jornel Galarse ng Treasury Department ng QC hall na nangunguna sa pamimigay ng cash aid, halos walang natanggap na anumang mga reklamo sa sistema ng pamamahagi ng ayuda .
Nasunod din ang ipinaiiral na protocol sa bawat pay out center kung saan naging maayos at mabilis na pamamahagi ng cash aid.
“Mangyari lamang na tumingin sa official social media page ng city government at ng inyong barangay para sa listahan ng mga pangalan. Dito rin matatagpuan ang impormasyon tungkol sa oras at venue ng pagbibigay ng ayuda at pati na rin ang mga requirements na kailangan dalhin para ma-claim ito”, paalala naman ni QC Mayor Joy Belmonte .
Anya ang barangay ang nagdedesisyon kung stubs ba ang gagamitin, color coding, per street, alphabetical name or per purok ang mode of distribution para masigurong maayos ang pagbibigay ng ayuda at mananatili ang minimum health standards”, dagdag pa ng alkalde..