MANILA, Philippines — Umaabot sa 1,065 pamilya ang kinailangang ilikas mula sa kanilang mga tahanan sa Quezon City bunsod ng mga pagbaha dahil sa walang tigil na malalakas na ulan dulot ng Habagat na pinalakas ng bagyong Fabian.
Ito ay batay sa evacuation status report na inilabas ng Quezon City Disaster Risk and Reduction Management Council (QCDRRMC) dakong alas-2:00 ng hapon nitong Hulyo 25, Linggo.
Ayon sa QCDRRMC, nasa 1,065 pamilya na o 3,996 indibiduwal na sa may 14 apektadong barangay sa lungsod ang kanilang dinala sa mga evacuation centers.
Ang mga apektadong barangay ay kinabibilangan ng Brgys. Apolonio Samson, Doña Imelda, Bagong Silangan, Masambong, Tatalon, Roxas, Damayang Lagi, Sta. Cruz, Mariblo, Sta. Lucia, North Fairview, Nova Proper, Del Monte at Damayan.
Para naman sa emergency, maaari anilang tumawag sa Emergency Operations Center sa numerong 0916-630-6686 at 0961-239-5097, gayundin sa Emergency Medical Services /Urban Search and Rescue na may landline number na 892-843-96, at mobile number na 0947-884-7498 at 0927-061-5592.