MANILA, Philippines — Isang lalaki ang nasawi nang barilin sa ulo ng ‘di kilalang salarin, habang natutulog sa footbridge sa Brgy. Bagong Pagasa, Quezon City kahapon ng madaling araw.
Ang biktimang nakilalang si Jose Ronillo Conde, 37, at residente ng Sitio San Roque, Brgy. Pagasa ay naisugod pa ng mga awtoridad sa East Avenue Medical Center ngunit binawian rin ito ng buhay.
Samantala, inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng salarin na mabilis na nakatakas matapos ang krimen.
Batay sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD)-Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), nabatid na dakong ala-1:00 ng madaling araw nang maganap ang krimen sa footbridge na matatagpuan sa Quezon Avenue- Edsa sa naturang barangay.
Sa salaysay ng saksing si alyas John Paul, isang car wash boy, kasalukuyan siyang naghihintay ng kliyente nang makarinig ng putok ng baril.
Nang alamin umano niya ang pinagmulan ng putok ay dito na niya nakita ang biktima na duguang nakahandusay sa footbridge kaya’t kaagad na niya itong ipinagbigay-alam sa mga tauhan ng Oplan Disiplina.
Ayon sa ilang tao sa lugar, ang biktima ay sinasabing madalas na nakikitang nangangalakal ng basura at karaniwan umanong natutulog sa footbridge lalo na kung umuulan.
Masusi naman nang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang krimen para maaresto ang suspek at matukoy ang motibo niya sa likod nang pagpatay.