MANILA, Philippines — Ipinag-utos na kahapon ni PNP Chief P/Gen. Guillermo Lorenzo Eleazar ang pagbuo ng Technical Working Group (TWG) upang pag-aralan at sundin ang panuntunan ng Korte Suprema sa paggamit ng mga Body Worn Cameras (BWCs) sa law enforcement operations ng pulisya .
Ayon kay Eleazar ang Directorate for Operations and the Directorate for Investigation and Detective Management (DIDM) ang naatasang magrekomenda ng mga opisyal na bubuo sa TWG.Noong Hunyo 4 ay inilunsad ng PNP ang BWCs upang tiyakin ang transparency at pagiging lehitimo ng isinasagawang law enforcement operations ng mga pulis.
Samantalang nasa 2,696 BWCs ang nai-distribute na ng PNP sa 171 Police Stations at Offices sa buong bansa.
Nitong Biyernes ay nag-isyu ang Supreme Court En Banc ng resolusyon na kinabibilangan ng Rules on the Use of Body Worn Cameras sa pagsisilbi ng warrants of arrest ng PNP.
“Sa panig ng inyong PNP, tinitiyak namin na ang panuntunan na pinaghirapan at pinaglaanan ng mahabang oras ng ating mga Mahistrado ay isa sa mga magiging instrumento upang gawing normal ang konsepto ng transparency at accountability sa isip at sa gawa ng bawat miyembro ng inyong kapulisan,” dagdag pa ng PNP Chief.
Sa kasalukuyan ay nangangailangan pa ng PNP ng karagdagang humigit kumulang pa sa 30,000 BWCs units para magamit ng kabuuang police stations at units ng PNP.