Ex-traffic enforcer sa Malabon, arestado

Patuloy sa panghuhuli

MANILA, Philippines — Isang dating traffic enforcer sa Malabon City ang  inaresto ng pulisya  matapos na  maaktuhang nanghuhuli pa rin ng mga motorista sa  lungsod kamakalawa ng gabi.

Ayon kay Malabon Police chief P/Col. Albert Barot, naka­suot pa ng uniporme ng Public Safety and Traffic Management Office (PSTMO) si Mike Jefferson Santelics, 39, ng Atis Road, Brgy, Potrero nang dakmain ng mga tauhan ng Station Intelligence Section dakong alas-10:35 ng gabi habang naninita ng mga nakamotor na dumaraan sa kahabaan ng P. Aquino Letre, Brgy. Tonsuya.

Sinabi ni Station Investigation and Detective Management Section (SIDMS) chief P/Maj. Ronald Carlos, dakong alas- 10:20 ng gabi nang humingi ng tulong sa pulisya ang traffic enforcers na sina Allan Centron at Eliseo Dizon, kapwa ng PSTMO matapos nilang makita ang dating kasama na natanggal na sa serbisyo na naninita ng mga motorista sa naturang lugar.

Inatasan na ni Col. Barot ang mga imbestigator sa kaso na si PSSgt. Mardelio Osting at PSSgt. Diego Ngippol na alamin kung may mga reklamo ng pangingikil laban kay Santelics.

Ang suspek ay iprinisinta sa inquest proceeding sa Malabon City Prosecutor’s Office para sa kasong paglabag sa Article 177 of Revised Penal Code o Usurpation of Authority or Official Functions.

Show comments