MANILA, Philippines — Dinakip ng Northern Police District Special Operation Unit ang isang big-time gunrunner matapos na mabuking ang kanyang arsenal at makipagtransaksiyon pa sa Facebook.
Himas rehas ngayon si John Christian T. Bautista, 33, ng Brgy. Bucandala IV, Imus, Cavite City na umano’y matagal nang sangkot sa gunrunning activities sa Metro Manila, Region 4A, at mga karatig na probinsya.
Ayon sa pulisya, nakatanggap sila ng impormasyon na may grupo sa FB na nagbebenta ng mga baril. Isang pulis ang nagpanggap na buyer at nakipagtransaksyon sa suspek at nang magpositibong sangkot nga ito sa gunrunning ay nakipagtagpo sa Pasay City dakong alas-11 ng tanghali kamakalawa kung saan isang entrapment operation ang ikinasa na nagresulta sa pagkakadakip ng suspek.
Nakumpiska sa nasabing operasyon ang mga sumusunod: Thompson submachine gun cal .45 M1 SN 175291 na may isang magazine; MGV 176 Cal .22 LR SN 3037; STI 9mm (SN KF 11205); Cobra Special Cal .38 na walang serial no.; Cal .40 Smith and Wesson (SN NEH 8367); at Cal .45 Colt 38720.
Nakontak din ng mga parak ang asawa ni Bautista at ipinaaalam na dinakip ang suspek at ipinagtapat ng maybahay ng suspek na mayroon pa itong mga baril sa kanilang bahay at nakumbinsi ang ginang na isuko ang mga ito.
Agad na tinungo ng mga operatiba ang address ng suspek kung saan isinuko ng kanyang asawa ang matataas pangkalibre ng armas. (Doris Franche)